-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Puspusan na ang pagsisikap ng mga Chinese technical at construction workers na agad matatapos ang ipinapatayong bagong ospital sa Wuhan City, China.

Ito ay para masagot ang kakulangan ng ospital para sa mga pasyente na tinamaan ng corona virus kung saan marami na ang naitalang patay sa naturang bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng Pinay worker na si Mae Duran na nagmula sa Northern Mindanao na layunin ng Wuhan Houshen-shan Hospital at Leishensan Hospital na masagot ang reklamo ng maraming mga pasyente na hindi umano naaasikaso ng maayos.

Inihayag din ng Pinay worker na mayroong 2,300 na hospital beds facility ang dalawang ospital na minamadaling ipatayo para sa mga pasyente ng NCov.

Magugunitang kumalat ang video ng ilang taga-Wuhan City kung saan inirereklamo ng mga ito ang kakulangan sa atensyon na ibinibigay ng ilang ospital para tugunan ang pangangailangan ng mga pasyente.