
Bagamat hindi pa nadetect sa Pilipinas, nagbabala ang isang eksperto na posibleng makapasok ang bagong subvariant ng covid19 na Arcturus o Omicron subvariant XBB.1.16.
Ayon kay public health expert Dr. Tony Leachon, madaling makahawa ang nasabing subvariant base na rin sa World Health Organization (WHO), highly pathogenic din ito, ibig sabihin madaling magdulot ng sakit at mas nakakahawa kumpara sa dati na at huling pinaka-infectious na sub variant.
Subalit kung ikukumpara naman sa delta variant, hindi ito highly threatening bagamat madaling makahawa kayat pinagiingat pa rin ang publiko na huwag magpakampante lalo na ang mga indibidwal na mayroong comorbidities.
Paliwanag pa ng eksperto na maaaring makaranas ng long Covid19 kapag tinamaan ng nasabing variant na kahit magaling na mula sa sakit ay may sintomas pa rin na mararamdaman.
Ang mga sintomas ng Arcturus sub-variant, ayon kay Dr. Leachon ay lagnat, hirap sa paghinga, sipon, pananakit ng lalamunan at sore eyes.
Ayon pa kay Dr. Leachon hindi dapat na mag panic sa nasabing sub variant dahil bakunado na ang ilan habang ang iba naman na na infect ng virus ay nagkaroon ng immunity laban sa virus.
Subalit para mas makatiyak, kailangan pa rin aniya ang pagsusuot ng face mask.
Mahalaga din na ang mga adults 18 taong gulang hanggang 50 anyos ay magpabakuna ng ikalawang booster dose.
Una rito, nasa mahigit 20 bansa na ang nakapagtala ng kaso ng Arcturus sub variant na unang nadetect sa Indian subcontinent noong Enero.










