-- Advertisements --

Tiniyak ngayon ng bagong commander ng Armed Forces of the Philippines Visayas Command na si LtGen Fernando Reyeg na patuloy na makipag tulungan at makipag koordinasyon sa lahat ng mga kaalyadong pwersa sa Visayas region para makamit ang kapayapaan.

Ginawa nito ang pahayag kasabay ng isinagawang change of command ceremony kahapon, Abril 24, sa Camp Lapu-lapu nitong lungsod ng Cebu na dinaluhan ni Armed Forces of the Philippines Chief of staff General Romeo Brawner Jr.

Binigyang-diin pa ni LtGen Reyeg ang pangangailangan ng ‘urgent’ na pagkilos ng sandatahang lakas para sa misyon nitong talunin ang mga komunistang teroristang grupo sa rehiyon.

Bukod dito, dapat din aniyang suriin ang umano’y mapanlinlang na “united front works” na pumapasok sa mga sistema at institusyon ng bansa habang lumilikha ng pagkakahati-hati sa mga Pilipino.

Nanawagan naman ito ng kooperasyon ng lahat ng stakeholders sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad dito.

Si Reyeg ay miyembro ng Philippine Military Academy “Sambisig” Class of 1991 at bago naging commander ng Visayas command ay nagsilbi din ito sa iba’t ibang command and staff positions.