Maglalabas ng panibagong guidelines ang Department of Health (DOH) kaugnay ng proper disposal o paglilibing sa bangkay ng mga namatay na kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na bunsod ito ng mga ulat na may ilang punerarya ang tumatangging magbigay ng serbisyo at cremation sa bangkay ng positive cases na namatay.

Katuwang daw ng DOH ang Department of the Interior and Local Government at iba pang concerned agencies sa pagbalangkas ng updated Guidelines on Disposal and Shipment of the Remains of Confirmed Cases of COVID-19.

Nilinaw ni Usec. Vergeire na wala ng tsansa na mabuhay ang virus kapag patay na ang taong na-infect nito.

Pero kailangan lang daw sundin ang probisyon sa ilalim ng 1975 Sanitation Code kung saan dapat malibing sa loob ng 12-oras ang bangkay ng indibidwal na namatay dahil sa ‚Äúcommunicable disease,” tulad ng COVID-19.

Sa inilabas na guidelines ng DOH noong Pebrero, nakasaad na kailangang i-selyo ng ospital sa body bag ang labi ng isang namatay na COVID-19 patient bago dalhin sa punerarya.

Kailangan din na may divider sa pagitan ng bangkay at driver ng sasakyan na magdadala nito mula ospital.

Hindi raw dapat i-embalsamo ang labi pagdating sa punerarya, tanging rekomenda lang ng DOH na sunugin o i-cremate ang bangkay.

Kung wala namang serbisyo ng cremation ang punerarya o hindi kaya’y ipinagbabawal sa relihiyon, ay dapat na sundin ang mandato na agarang paglilibing.

Ganito rin ang payo sakaling may positive case na mamatay habang nasa bahay at sa mga patients under investigation na hindi pa lumalabas ang resulta.

Hindi naman inirerekomenda ng DOH ang lamay dahil maituturig daw itong uri ng mass gathering, na bawal sa ilalim ng social distancing rule.