-- Advertisements --

Naglabas ng bagong panuntunan ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa implementasyon ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at COVID Adjustment Measures Program (CAMP).

Ito ay para sa mga indibidwal na nawalan ng trabaho sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic ngunit hindi nakakuha ng ayuda mula sa DOLE.

Nakapaloob sa naturang panuntunan gagawing prayoridad ang mga informal workers na hindi nkatanggap ng tulong pinansyal kahit nag-apply ang mga ito sa TUPAD program noong Abril 30

Una nang sinabi ng DOLE na aabot na ng kalahating milyong displaced workers ang nag-apply para makakuha ng benefits mula sa TUPAD program ngunit hindi naabutan ng tulong dahil kinulang aniya sila ng budget.

Sa parehong guideline ay nakasaad din na ang sinomang nakakuha na ng ayuda ng TUPAD program ay maaari ulit mag-apply sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Para naman sa CAMP program, magbibigay ang DOLE ng cash assistance na P5,000 para sa displaced employees sanhi ng pandemic.

Sakop din nito ang teaching at non-teaching personnel sa pampubliko at pampribadong edukasyon, pati na rin ang mga nawalan ng trabaho sa tourism sector.