Matapos isailalim sa disinfection ang buong Rizal Memorial Complex sa Maynila, may bagong batch ng locally stranded individuals (LSIs) ang pumwesto sa harap ng pasilidad sa pag-asang makakauwi rin sila sa kanilang mga probinsya.

Sa isang report, nakasaad na ilang LSIs na mula Zamboanga at Dumaguete ang dumating ngayong araw sa labas ng sports complex at umapela na maging bahagi ng Balik Probinsya program.

Kung maaalala, tinapos na ng concerned agencies noong nakaraang Huwebes ang ikalawang batch ng LSIs sa ilalim ng Hatid Tulong program.

Higit 20 LSIs mula sa second batch ang nag-positibo sa ginawang rapid antibody test. Lahat sila ay isinailalim muna sa quarantine.

Ang mga nakauwi namang stranded individuals ay nakatanggap ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development.

Matapos lumarga ang buong second batch, agad nagkaroon ng disinfection activity sa stadium dahil sa halos isang linggong siksikan ng LSIs.