-- Advertisements --

Naniniwala si Philippine College of Physicians president Rontgene Solante na dapat maglaan pa ng mas mataas na badyet ang gobyerno para sa libreng bakuna sa mga senior citizen. 

Hiling din ni Solante na sana ay hindi lamang mga pasok sa indigent population ang mabigyan ng bakuna bagkus ay lahat ng mga senior citizen. 

Base kasi sa Expanded Senior Citizens Act of 2010, may mandato ang Kagawaran ng Kalusugan na magbigay ng libreng bakuna laban sa influenza virus at pneumococcal disease, ngunit ito’y para lamang sa mga indigent senior citizen.

Dagdag niya pa, hindi lang daw dapat ito limitado sa influenza at pneumonia kung ‘di sana raw ay sa iba ring mga sakit na nangangailangan ng bakuna. 

Limitado lang daw kasi ang bakuna sa bansa at kulang ang ginagawang hakbang ng gobyerno para ma-promote pa ang pagbabakuna.

Iginiit din ni Solante na wala umanong malawak na programa ang pamahalaan para magkaroon ng mga bagong bakuna partikular na sa Respiratory virus at shingles.