Hindi pa nagbibigay ng pahayag hanggang ngayon ang kampo ni Bacoor City Mayor Lani Revilla tungkol sa panghihikayat ni Sen, Cynthia Villar sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na itigil ang reclamation project sa lungsod ng Bacoor.
Sa inilabas na pahayag ng Senate committee on environment chairperson, binigyang-diin nito ang posibleng maging negatibong dulot ng proyekto sa mga kalapit na lugar at komunidad sa Las Pinas-Paranaque Wetland Park.
“The reclamation project will potentially cause irreparable damage to the Las Pinas-Parañaque Wetland Park. The project will be building on the buffer zone of this protected area and will destroy the landscape in which the wetland now thrives,” saad ni Villar.
Idineklara ang nasabing wetland park bilang protected area sa ilalim ng Republic Act 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System Act.
Kinilala rin ito bilang isa sa pitong lugar sa bansa na nasa listahan ng Wetland of International Importance ng Ramsar Convention dahil kritikal nitong papel sa survival ng iba’t ibang uri ng congregatory birds.
Muli ring inalala ng senador ang naging bababala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maaari umanong magdulot ng pagbaha na may taas na 8-meters ang reclamation project.
Dagdag pa nito, sa oras daw na matuloy ang proyekto ay mababasura lamang ang P1.47 billion flood-control project ng Bacoor at Imus.
Hinikayat din ni Villar ang DENR na bawiin ang environment compliance certificate na ibinigay ng Environmental Management Bureau noong Marso 5 kung saan papayagan ang lungsod na simulan ang dredging at filling sa project area sa pamamagitan ng mga reclamation materials.
Isa umano ang pagbaha sa mga dahilan kung bakit isinulong ni Villar, kasama ang 315,000 residente mula Las Pinas City, Parañaque City at Cavite, ang Writ of Kalikasan laban sa planong reclamation ng Manila Bay noong 2012.