
Inihayag ng DOTr na mayroon lamang 70,000 na available na driver’s license card para sa pamamahagi laban sa halos 700,000 backlogs para sa nasabing ID card.
Ibinunyag ito ng hepe ng DOTr na si Secretary Jaime Bautista sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan nagsimula ang imbestigasyon nito sa umano’y hindi nararapat na bayad na ibinigay ng Land Transportation Office sa contractor nito.
Gayundin sa mga alegasyon ng katiwalian na kinasasangkutan ng Road Transportation Infrastructure Project.
Kung matatandaan, inihayag ng LTO na prayoridad na mabigyan ng driver’s license card ang mga OFWs.
Bilang pansamantalang solusyon ay pinalawig ng departamento ang validity ng mga lisensya na nag-expire noong Abril 24 at inextend ng hanggang Oktubre 31.
Sa mga araw na ito, ang LTO ay nag-iisyu lamang ng opisyal na resibo (OR) sa mga aplikante ng driver’s license.
Sa isang pampublikong pagdinig noong Mayo, iniulat ni Bautista sa komite ng House of Representatives at kabuuang driver’s license card backlog na umabot sa 234,149, na ngayon ay tumalon sa halos 700,000.
Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga card backlogs, tiniyak ni Bautista sa publiko na malapit nang matugunan at mababawasan ang kakulangan nito, dahil nasa huling yugto na ang kanilang proseso para sa procurement.










