-- Advertisements --

Aabot sa 3 million applications ang backlog ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa issuance ng bago at renewed passports sa harap ng COVID-19 pandemic, ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Brigido “Dodo” Dulay.

Ayon kay Dulay, pinakamalaking hamon para sa kanila ay ang COVID-19 pandemic mismo sapagkat kinakailangan nilang bawasan ang kanilang operations ng 50% para makapag-comply sa umiiral na minimum public health standards.

Para mas maraming slots ang maibigay sa mga passport applicants, binuksan kamakailan ng DFA ang kanilang off-site centers, pero kahit ang hakbang na ito ay hindi rin sapat para sa malaking demand.

Kaya naman hangad ngayon ng DFA na makapagbukas ng mas marami pang sites na gagawing exclusive lamang sa mga overseas Filipino workers at iyong mga magre-renew ng passports para mapabilis ang proseso.

Hindi naman masabi ni Dulay kung bakit marami ngayon ang nais na kumuha ng passport, pero nilinaw naman na hindi nila dini-discourage ang mga taong ito na kumuha ng naturang dokumento.

Pero kung hindi naman aniya urgent, payo ni Dulay sa mga aplikante na ikonsidera na ipagpaliban at ipaubaya na muna sa mga OFWs, iyong mayroong mga medical concerns at para sa family reunification ang pagkuha sa naturang serbisyo.