-- Advertisements --

Hawak na ngayon ng mga otoridad ang isang babae sa Cebu na suspek sa human trafficking matapos mahuli sa isinagawang entrapment operation.

Kinilala ang naaresto na si Jeraleen Cabrera, 25 anyos at residente ng Barangay Tisa nitong lungsod ng Cebu.

Nagbebenta pa umano si Cabrera ng mga hubad na larawan niya at ng kanyang dalawang kapatid na babaeng may edad 20 at 16 anyos.

Maliban pa, nag-alok din umano ito na magsagawa ng “cam show” sa kanyang mga dayuhang customer kapalit ng pera para pambili ng pagkain at cellphone load.

Una rito, nahuli si Cabrera matapos makipagtransaksyon sa kanya ang isang undercover agent ng National Bureau of Investigation na nagpapanggap na dayuhan gamit ang “high-tech cyber surveillance system” ng opisina.

Nagresulta din ang operasyon sa pagsagip sa dalawang nakababatang kapatid ng suspek na15-anyos na babae at isang 10-anyos na lalaki.

Nahaharap ngayon ang naaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act.

Inihayag pa ni NBI agent-in-charge Arnel Pura na magsasagawa sila ng forensic investigation sa cell phone ng suspek upang masuri ang mga transaksyong nagawa na nito.

Hinikayat naman ng mga otoridad ang publiko na iulat ang anumang impormasyong nalalaman na kinasasangkutan ng mga aktibidad sa cybersex.