CAUAYAN CITY – Naaresto ang isang babae na kabilang sa PNP High Value Individual at PDEA High Value Target sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga otoridad.
Ang pinaghihinalaan ay si Alyas Lala, 59-anyos at residente ng Baligatan, City of Ilagan.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng mga kasapi ng City of Ilagan Police Station, PDEA Isabela Provincial Office, Police Intelligence Unit-Provincial Drug Enforcement Unit, Isabela Police Provincial Office, Isabela Field Unit, Regional Intelligence Unit 2 at 5th Infantry Division, Philippine Army.
Nakumpiska sa pinaghihinalaan ang halos P400,000 halaga ng hinihinalang shabu na may bigat na halos 60 gramo sa isinagawang drug buy-bust operation sa Brgy. Bliss Village.
Nabili ng nagpanggap na buyer ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at nasamsam naman sa isinagawang body search ang isang pouch na naglalaman ng 7 piraso ng heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nasamsam din sa pinaghihinalaan ang isang piraso ng genuine One Thousand Peso Bill, mga ginamit na boodle money, drug paraphernalia at isang cellphone.
Ang pinaghihinalaan ay dati na ring nakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).