KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Tacurong PNP kaugnay sa nangyaring pamamaril sa bahagi ng Purok Daisy Yellowville subdivision Barangay New Isabela sa naturang lungsod na ikinasawi ng dalawang biktima.

Kinilala ang mga ito na sina Nancy Sampiano Mioses, 45 anyos at residente ng Brgy Poblacion sa naturang lungsod, at isang alyas Aw-aw, 43 anyos, residente ng Barangay Didtaras Lambayong Sultan Kudarat at pawang mga fruit vendor helpers.

Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Koronadal, kumakain lamang ang mga biktima sa binabantayang fruit stand pasado alas 7 ng gabi nang binaril ng isang lalaking suspek ang mga ito.

Ayon naman sa kapatid ni Nancy na si Winnie Mioses, dating nabilanggo ang kaniyang kapatid matapos masangkot sa drug raid ngunit nakalabas dahil sa magandang asal nito sa loob ng piitan.

Inaalam pa ng kapulisan kung ano ang motibo sa naturang pamamaril.