-- Advertisements --
9

LAOAG CITY – Nawawala ang isang babae habang nakaligtas ang tatlong kasama matapos maanod sila dahil sa nangyaring flashflood sa ilog sa bayan Badoc, Ilocos Norte sa kasagsagan ng bagyong Maring.

Ayon sa PNP Badoc, nakatanggap sila ng report mula kay Barangay Chairman Emerson Balilea ng Brgy. Nagrebcan sa bayan mg Badoc.

Nakilala ang apat na residente ng Sitio Lasien at tatlo ang babae na 33, 57 taong gulang at isang lalaki na 55-anyos.

Sinabi ng PNP na nakasakay ang apat na residente sa kariton habang tumatawid ang mga ito sa ilog ng nasabing bayan.

Dito na sila naanod dahil sa flashflood at tinangay ang nagngangalang Emily Yadao habang nakatawid naman ang tatlong kasama.

Agad na humungi ang PNP Badoc ng tulong mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Ilocos Norte at mga kasapi ng Philippine Coast Guard na nakabase sa Brgy. Victoria, sa bayan ng Currimao.

Sa ngayon ay hindi mahanap si Yadao at nagpapatuloy pa ang search and retrieval operation.

Nabatid na nanggaling ang apat na residente sa Brgy. Nagrebcan proper at papauwi na sila sa Sition Lasien nang mangyari naman ang insidente.

Ayon pa sa PNP, may iba pang pwedeng daanan bukod sa ilog papunta sa Sitio Lasien ngunit kailangan pang dumaan sa bayan ng Nueva Era kung saan malayo pa ito bago makarating sa nasabing sitio.

Samantala, inilikas naman ng mga kasapi ng search and rescue team ang mag-asawa na residente sa Brgy. 19 sa lungsod ng Laoag.

Lumalabas na natulog ang mga ito malapit sa ilog dahil tinatamad silang umuwi dahil patuloy ang pagbuhos ng ulan kasabay ng malaks na hangin.

Sinabi ni Arnold Felipe, isa sa inilikas, kumuha sila ng bulaklak ng kalabasa kung saan nakatanim ito sa malapit sa ilog.

Aniya, nagising sila bandang ala-1:00 ng madaling araw dahil inabot na ang tubig ang kanilang tinulugang kubo dahilan para rumisponde ang search and rescue team.

Nasa mabuting kalagayan naman si Felipe gayundin sa kanyang asawa.