LAOAG CITY – Nagpapatuloy ang search and rescue operation sa isang babae na naanod sa flashflood sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Maring.
Ito ay matapos na makatanggap ng report ang PNP Badoc mula kay Barangay Chairman Emerson Balilea ng Brgy. Nagrebcan sa bayan mg Badoc hinggil sa naturang insidente.
Nabatid na may kasamang tatlong iba pa ang naturang babae, pero ang mga ito ay nagawang makaligtas sa pangyayari.
Ayon sa mga pulis, nakasakay ang apat sa kariton habang tumatawid sa ilog ng nasabing bayan.
Dito na sila naanod dahil sa flashflood at tinangay ang nagngangalang Emily Yadao habang nakatawid naman ang tatlong kasama.
Agad na humungi ang PNP Badoc ng tulong mula sa PDRRMO ng Ilocos Norte at mga kasapi ng Philippine Coast Guard na nakabase sa Brgy. Victoria, sa bayan ng Currimao.
Sa ngayon ay hindi mahanap si Yadao at nagpapatuloy pa ang search and retrieval operation.
Nabatid na nanggaling ang apat na residente sa Brgy. Nagrebcan proper at papauwi na sila sa Sition Lasien nang mangyari naman ang insidente.
Ayon pa sa PNP, may iba pang pwedeng daanan bukod sa ilog papunta sa Sitio Lasien ngunit kailangan pang dumaan sa bayan ng Nueva Era kung saan malayo pa ito bago makarating sa nasabing sitio.
Samantala, inilikas naman ng mga kasapi ng search and rescue team ang mag-asawa na residente sa Brgy. 19 dito sa lungsod ng Laoag.
Lumalabas na natulog ang mga ito malapit sa ilog dahil tinatamad silang umuwi dahil patuloy ang pagbuhos ng ulan kasabay ng malaks na hangin.
Sinabi ni Arnold Felipe, isa sa inilikas, kumuha sila ng bulaklak ng kalabasa kung saan nakatanim ito sa malapit sa ilog.
Aniya, nagising sila bandang ala-una ng madaling araw dahil inabot na ang tubig ang kanilang tinulugang kubo dahilan para rumisponde ang search and rescue team.
Nasa mabuting kalagayan naman si Felipe gayundin sa kanyang asawa.