LEGAZPI CITY – Patay ang isang lalaki matapos na saksakin ng nakaalitang ama sa Barangay Balinad sa bayan ng Daraga.

Kinilala ang biktima na si Jerix Mesa, habang pinangalanan naman ang suspek na si Roberto Mesa Sr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Capt. Dexter Panganiban, tagapagsalita ng Albay Police Provincial Office, pareho umanong lasing ang suspek at biktima mula sa magkahiwalay na inuman ng umuwi sa kanilang tahanan.

Subalit, uminom pa rin umano ng alak sa kanilang bahay ang biktima, dahilan upang pagalitan na ito ng kanyang ama hanggang sa magkasagutan ang dalawa.

Dito na pinalo ng biktima ng kahoy sa ulo ang suspek, na agad naman na gumanti at sinaksak sa dibdib ang kanyang anak.

Agad na namatay ang biktima, habang nakakulong na ngayon ang suspek na nahaharap sa kasong parricide.