-- Advertisements --

Bumaba sa 150 hanggang 300 na lamang ang tawag na natatanggap ng One Hospital Command Center ngayong linggo, ayon kay Dr. Marylaine Padlan.

Mas mababa ang bilang na ito kung ikukumpara naman sa natanggap nilang 200 hanggang 300 na tawag sa nakalipas na linggo.

Samantala, sinabi ni Padlan na karamihan pa rin sa mga natatanggap nilang tawag ay mula sa National Capital Region, na sinundan ng mga kalapit na rehiyon tulad ng Calabarzon at Central Luzon.

Sa ngayon, dumami rin aniya ang non-COVID-19-related calls ang kanilang natatanggap kumpara noong kasagsagan ng surge.

Sa kabilang banda, sinabi ni Padlan na kailangan muna nang masusing pag-aaral sa trend ng virus bago pa man masabi kung posible nang ibaba sa Alert Level 2 ang National Capital Region pagsapit ng Disyembre.