Opisyal ng inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang automated coin deposit machines.
Ito ay maihahalintulad sa ATM o automated teller machine para sa mga barya kung saan maaaring ideposito ang anumang denominasyon ng Philippine coins na nasa sirkulasyon para maging credit.
Ang hakbang na ito ng BSP ay sa gitna na rin ng nararanasan ngayon na artificial coin shortage sa bansa.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, may ilang Pilipino ang hindi ginagastos ang kanilang barya at sa halip ay iniipon lamang ito.
Sa pamamagitan ng coin deposit machine maaaring gamitin ang dinepositong coin sa shopping vouchers at maaari ding ilagay sa inyong bank account o e-wallet.
Nasa 25 na Coin Deposit Machine ang ii-install sa mga piling lugar sa Manila at ilang probinsya. Sa pamamagitan nito, maibabalik sa circulation ang mga barya upang maiwasan ang kakulangan sa suplay.
Dalawa na nga dito ang operational na sa isang malaking mall sa may Ermita, Maynila at Supermall sa Muntinlupa.
Nasa anim na machines pa ang nakatakdang ideploy sa piling mga lugar sa Greater Manila Area sa mga susunod na araw.