Bibigyan ng gobyerno ng Australia ang Philippine Coast Guard (PCG) ng drone equipment at pagsasanay para makatulong na mapalakas ang maritime capabilities nito sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.
Ginawa ni Australian Foreign Minister Penny Wong ang pahayag pagkatapos ng pakikipagpulong kay Philippine Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, na binanggit na ang Australia at Pilipinas ay magkatuwang ang pag-iisip na naghahanap ng ligtas, matatag, at maunlad na rehiyon sa Southeast Asia.
Nagpahayag din ang Australia ng pagiging bukas na lumahok sa joint maritime patrol kasama ang Pilipinas sa West Philippine Sea, at gamitin ang kalayaan sa paglalayag at overflight sa pinagtatalunang karagatan.
Sinabi ni Wong na nakatuon ang Australia na ipagpatuloy ang matagal nang presensya nito sa rehiyon, at itinuring nito ang Pilipinas bilang mahalagang partner sa seguridad.
Ang pagpaplano aniya, ay isinasagawa upang palawakin din ang joint military exercises sa pagitan ng ating bansa.
Bukod dito, tinalakay din ng dalawang opisyal ang bilateral na kooperasyon sa kalakalan at pamumuhunan, agrikultura, maritime partnership, gayundin ang paglaban sa terorismo at transnational crimes.