-- Advertisements --

Mismong si Charlie “Atong” Ang na ang nanawagan sa kontrobersyal na magkakapatid na Gretchen, Marjorie, at Claudine Barretto, na tigilan na ang patutsadahan sa isa’t isa.

Sa isang TV interview, mensahe ng 61-year-old gambling businessman sa Barretto sisters na magtulungan na lang lalo’t biyuda na ang kanilang ina na si Inday at naaapektuhan na rin ang career ng kanilang mga kaanak.

“Sa inyong mga Barretto, since naging parang family ko kayo, nilalahat ko na kayo: Namatay na ‘yung tatay niyo. Ngayon, nag-iisa na ang nanay niyo. Magtulong-tulong na lang kayo, magbigay kayo ng pera, buhayin niyo, pilitin niyong maka-survive ang nanay niyo,” ani Ang sa TV Patrol.

Kung maaalala, nadawit ang pangalan ni Atong Ang matapos ibunyag ng 45-anyos na si Marjorie na limang taon itong naging karelasyon ng pamangkin na si Nicole pero inagaw lng 49-anyos na si Gretchen.

Pero sa bersyon ni “La Greta,” ang 40-anyos na si Claudine ang tunay na mang-aagaw.

Una nang itinanggi ni Ang na may nakarelasyon siya sa mga Barretto kung saan sa latest interview ay muli nitong iginiit na wala siyang balak ipagpalit ang kanyang pamilya at masaya siya sa piling ng misis.

Hinggil naman sa pagkalat ng larawan nila ni Gretchen habang natutulog sa eroplano at magkahawak pa ng kamay, nilinaw ni Atong na kapatid lang ang kanilang turingan kung saan bigla na lamang silang inantok habang nagkikuwentuhan.

“Kasi si Gretchen parang kapatid ko ‘yan. Sabi ko inaantok na ako. Kasi ang daming sinasabi, kasi makuwento iyan eh. ‘Yan ‘yung sabi ko, ‘G (Gretchen),’ tapos (ibinaba) ko nga ‘yung kamay niya. Sabi ko, ‘tama na, tulog muna ako.’ Siguro stewardess ‘yung kumuha ng picture, hindi ko itinatanggi iyan,” dagdag ni Ang.

Katunayan aniya ay ilang beses nang nangyayari ang joint vacation abroad ng kanyang pamilya, kasama ang mag-partner na Gretchen at Tonyboy dahil sa kanilang ugnayan sa sabong at casino businesses.

Naging malapit naman siya sa bunsong si Claudine dahil tinulungan niya raw ito noon na maayos ang nagkalamat na relasyon sa pamilya.

Pero tila may pag-iwas ito nang matanong kay Nicole, anak ng pangatlo sa pitong magkakapatid na si JJ.

“Siyempre hindi naman tama sa lalaki, ako pa magsasabi girlfriend ko siya (Nicole),” wika pa ng gambling tycoon.

Kabilang sa mga anak ng namayapang Barretto patriarch na si Miguel at biyudang si Inday ay sina Mito, 59; Michelle, 58; Joaquin “JJ”, 57; Gia, 50; Gretchen, 49; Marjorie, 45; at Claudine, 40.