-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ni House Deputy Speaker at Buhay party-list Rep. Lito Atienza ang sinasabi ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na hinarang ng liderato ng mababang kapulungan ang imbestigasyon hinggil sa umano’y mga korap na kongresista.

Sa isang statement, itinanggi ni Atienza na ibinasura ng liderato ng Kamara ang umano’y proposal ng mga kaalyado ni Cayetano, na sina Anakalusugan party-list Rep. Michael Defensor at Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, na imbestigahan ang alegasyon ng korapsyon laban sa kanilang kasamahan sa mababang kapulungan.

Ayon kay Atienza, “fake news” ang alegasyon ni Cayetano, at nagpapakita lamang kung gaano raw ito “kadesperado” para lamang manatiling relevant o pag-usapan ng publiko.

Noong nakaraang linggo lang, sinabi ni Cayetano na mayroong pagtatangka na paimbestigahan sana sa Kamara ang umano’y pagkakasangkot sa korapasyon ng ilang mga kongresista, pero hinarang aniya ito ng bagong liderato ng mababang kapulungan.

Ayon kay Atienza, salungat ang sinasabi ni Cayetano sa statement naman ni Defensor, kung saan hinamon nito si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) chief Greco Belgica na magsampa ng kaso laban sa mga kongresistang iniuugnay sa umano’y katiwalian sa oras na mayroong ebidensya laban sa mga ito.