Kinumpirma ni Ateneo de Manila University President Fr. Roberto C. Yap ang pagbibitiw ni Tab Baldwin bilang head coach ng Ateneo Blue Eagles kasunod ng insidente ng pagkalunod ng dalawang student-athletes na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Sa isang pulong balitaan noong Lunes, Hunyo 15, inanunsyo ni Fr. Yap ang opisyal na pag-alis ni Baldwin sa pamumuno ng Ateneo men’s basketball program.
“We thank him for the years of service for the Blue Eagles,” ani Fr. Yap.
Matatandaang noong Hunyo 11, 2026, inatasan ng Board of Trustees ng Ateneo de Manila University ang pagsasagawa ng fact-finding inquiry upang alamin ang buong pangyayari kaugnay ng pagkamatay ng dalawang manlalaro.
Ayon kay Fr. Yap, kinakailangan ang pagbabago sa liderato ng koponan upang mapanatili ang integridad ng sports program ng unibersidad at higit pang mapalakas ang pagpapatupad ng mga safety protocols.
“But as we appear on the institutional review, change in leadership is necessary to ensure the full integrity of our sports program and safety protocols covering them,” aniya.
Dagdag pa niya, magsisilbing pagkakataon ito upang suriin at pagbutihin ng pamantasan ang mga umiiral nitong sistema para sa mga atleta.
“We must look inward, examine our systems, and rebuild a structure for athletic programs so that our fields and playing places are places where dreams are nurtured and not broken,” dagdag ni Fr. Yap.
Samantala, hindi dumalo si Baldwin at tatlo pang miyembro ng top management ng Ateneo Men’s Basketball Team sa pagpupulong na ipinatawag ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Lunes ng umaga.
Ayon sa mga awtoridad, muling padadalhan ng subpoena ang mga opisyal ng koponan at inaasahang haharap ang mga ito sa susunod na pagdinig na itinakda sa Hunyo 19, 2026.
















