-- Advertisements --

Naniniwala ang Security experts na naging epektibo ang assertive transparency initiative ng Pilipinas para malabanan ang tumitinding pagpapakalat ng maling impormasyon ng China kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.

Matatandaan kasi na una nang inanunsiyo ng PCG ang transparency initiative ng gobyerno matapos gumamit ang China Coast Guard ng military-grade laser laban sa isang patrol vessel ng Pilipinas malapit sa Ayungin Shoal noong Pebrero noong nakalipas na taon.

Sa ginanap na forum na inorganisa ng Stratbase institute kung saan tinalakay ang disinformation sa WPS, ipinunto ni retired US Col. Raymond Powell, founder ng security think tank na Project Sealight, ang pangangailangang i-institutionalize ang inisyatiba ng gobyerno upang isulat at ipalaganap ito upang lubos na maunawaan ng lahat.

Ipinaliwanag naman ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, na medyo institutionalized na ang assertive transparency ng gobyerno dahil sa prosesong sinusunod nito.

Aniya, lahat ng inilalabas nilang impormasyon ay dumadaan sa pagdedesisyon. Ito ay hindi iisang desisyon na ginagawa lamang ng PCG kundi kailangan aniyang dumaan ito sa Information Working Group at sa NTF-WPS.

Sinabi naman ni Dr. Benjamin Goirigolzarri, team member ng Project Myoushu ng Gordon Knot Center para sa National Security Innovation, armado na ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ng mga mamamahayag na handang magdokumento ng mga run-in sa Chinese militia upang ipakita sa mundo ang pambu-bully na ginagawa ng mga Tsino sa disputed waters.

Gayunpaman, sinabi ni Goirigolzarri na kung ang assertive transparency lamang ay hindi umano hahantong ito sa tagumpay sa West Philippine Sea.

Iginiit naman ni Tarriela na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagsisiwalat sa agresibong aksiyon ng China sa pinagtatalunang karagatan. (With reports from Bombo Everly Rico)