Paigtingin ng ASEAN ang mga hakbang nito upang makahikayat ng mga pamumuhunan sa malinis na enerhiya, digital infrastructure, at matatag na supply chain sa ilalim ng kanilang ASEAN Community Vision 2045.
Ayon kay Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Undersecretary Joseph J. Capuno, layunin ng hakbang na ito na isalin sa konkretong aksyon ang mga napagkasunduang plano para sa sustainable infrastructure.
Sinabi ito ni Capuno sa katatapos lang na pagpupulong ng ASEAN Committee on Sustainable Infrastructure (ACSI) nitong Huwebes, Agosto 27, 2026, sa Philippine International Convention Center (PICC).
Sa naturang pulong, tinalakay ang ASEAN Infrastructure Pipeline upang matukoy ang mga prayoridad na proyekto para sa rehiyon.
Kabilang sa mga binibigyang-diin ang transisyon sa malinis na enerhiya at digitalization sa ilalim ng ASEAN Sustainable Infrastructure Action Plan (SIAP) 2026-2030, na layon ding magdaos ng mga investor forum para sa pondong kakailanganin.
Nakatakdang ipasa ng Pilipinas ang pamumuno ng ACSI sa Singapore sa taong 2027.









