-- Advertisements --

Nadagdagan ng P10 billion ang panukalang pondo para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program sa susunod na taon.

Ang karagdagang pondo ay inaasahang magagamit ng AFP para sa nagpapatuloy nitong modernisasyon sa mga kagamitan at military facilities ng hukbo.

Iginiit ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim de Leon na sa pamamagitan ng hakbang na ito ay mapapalakas pa lalo ang defense capabilities ng bansa na isa sa mga pangunahing hinahangad ng kasalukuyang administrasyon.

Sa kabuuan, aabot na sa P50 billion ang alokasyong pondo para sa naturang programa sa 2027.

Ayon pa sa DBM, mayroong hanggang P73.67 billion para sa subsistence allowance ng 583,130 military and uniformed personnel (MUP) na nakalaan para sa 2027 budget.

Ang malaking pondo para sa defense ay bilang pagsuporta ng gobyerno sa mga sundalong nasa frontline ng national security, peace and order, at public safety.