-- Advertisements --

Iginiit ng legal counsel ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na walang sapat na dahilan ang Ombudsman para magsampa ng kaso laban sa mambabatas kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, 32 dating testigo, kabilang ang sinasabing star witness na si Orly Guteza, ay umatras na umano sa kanilang mga alegasyon laban kay Romualdez.

Sinabi ni Fajardo na ang mga testigong ito ay pawang dating tauhan ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na nahaharap sa kaso kaugnay ng umano’y flood control scam.

Wala rin umanong direktang testigo na nag-uugnay kay Romualdez sa sinasabing paghatid ng kickback o maleta ng pera.

Dagdag pa niya, wala ring dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), district engineer, contractor, o iba pang personnel sa lugar ng proyekto na direktang nag-akusa kay Romualdez.

Dahil dito, hiniling ni Fajardo sa Ombudsman na ibasura ang reklamo laban sa dating Speaker.

Tungkol naman sa pahayag ng Ombudsman na mayroon itong 28 bagong testigo laban kay Romualdez, sinabi ni Fajardo na hindi pa nila alam kung sinu-sino ang mga ito.