-- Advertisements --

Naniniwala umano si Dr. Eduardo Banzon, principal health specialist ng Asian Development Bank, na dapat manguna ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa mass production ng coronavirus vaccines.

Sa isinagawang virtual ASEAN Media Forum 2020, sinabi ni Banzon na may kakayahan ang ASEAN member-states na mag-manufacture ng bakuna sa oras na maging available na ito, tulad na lamang ng mga bansang Indonesia, Vietnam, Thailand at Singapore.

Sa katunayan aniya ay nakakalungkot tingnan na ang mga bansang kasapi ng ASEAN ay kailangan pang makipag-unahan para magkaroon ng stocks ng bakuna.

Imbes daw kasi na makipag-kumpetensya pa sa limited na supply, ay maaari umanong gumawa na lamang ng sariling supply ang mga bansa. Dahil na rin sa kakayahan ng ASEAN countries na mag-manufacture, ibig sabihin lamang nito ay may kakayahan din itong mag-facilitate upang tiyakin na sobra-sobra ang magiging supply ng baluna para sa lahat.

Ayon pa kay Banzon, bukod sa pagpapadami pa sa produksyon ng bakuna ay pwede ring gamitin ng ASEA ang kanilang resources para naman sa advance procurement ng bakuna na dinedevelop pa.

Isang halimbawa na lamang dito ang European Union, kung saan nag-ambagan ang European countries para sa advance payment ng bakuna. Nagsama-sama aniya ang bawat bansa sa EU para lamang sa advance purchase commitment.