Nais paimbestigahan ngayon ng asawa sa isa sa mga nasawing Filipino seafarers sa pag-atake ng Houthi rebels ang insidente na nagmitsa sa buhay ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ito ay sa gitna ng pagdadalamhati ng mga naulilang mga pamilya ng dalawang Pilipinong tripulanteng hindi pinalad na makaligtas sa isinagawang missile attack ng naturang militanteng grupo sa kanilang barko sa Gulf of Aden.
Sa isang panayam, ibinahagi ng asawa ng isa sa mga nasawing biktima na ilang sandali bago mangyari ang trahedya ay nagawa pa raw ng kaniyang asawa na mag-message sa kaniya para ipaalam na babalik ang kanilang barko nang dahil sa warning na ipinadala ng naval ng Yemen hinggil sa posibilidad ng mga pag-atake ng Houthi rebel.
Ngunit makalipas aniya ang ilang sandali ay muli siyang nakatanggap ng message mula sa kaniyang asawa na nagsasabing ipagpapatuloy aniya ng kanilang barko ang paglalayag sa lugar sa gitna ng mga banta ng missile attack ng nasabing grupo.
Ito ang kinukuwestiyon at hinihiling ng asawa ng biktima na maimbistigahan ng maayos ng mga otoridad kung bakit nagpumilit pa rin ang barkong kanilang sinasakyan na magpatuloy sa paglalayag.
Samantala, bukod dito ay nagpahayag din siya ng pagkadismaya sa mga survivors sa insidente at maging sa mga pamilya nito sapagkat sa kabila aniya ng kaniyang mga pagsubok na mag-reach out sa mga ito ay wala man lang daw siyang natatanggap na anumang reply mula sa kanila para sana makibalita sa estado ng kaniyang nasawing asawa.
Kung maaalala, kahapon lamang ay nakabalik nang muli sa Pilipinas ang dalawang lubhang nasugatan sa naturang pag-atake ng Houthi rebel sa pamamagitan ng paghahatid ng air ambulance mula sa Djibouti.
Habang ngayong linggo ay una na ring nakauwe sa bansa ang 11 pang mga survivor crew members ng MV True Confidence na biktima ng anti-ship ballistic missile ng Houthi rebels.
Una nang sinabi ng Department of Migrant Workers na sa ngayon ay hindi pa rin narerekober ng mga otoridad ang mga labi ng dalawang Pilipinong nasawi sa naturang insidente ngunit tiniyak naman nito na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para sa agarang pag-retrieve sa mga ito.