-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na aasahan pa ang mas maraming “one time, big time” operations na ilulunsad ng iba’t ibang police stations sa buong bansa.

Ayon kay PNP Deputy Director for Admin, Deputy Director General Ramon Apolinario, lalo pa nilang palalakasin ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga kaya lahat ng mga istasyon ng pulisya sa Pilipinas ay magtatrabaho.

Ginawa ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng PNP ang pahayag kasunod ng mga inilunsad na one time, big time operations ng Bulacan-Provincial police Office kung saan 32 drug personalities ang napatay habang 26 naman ang nasawi sa operasyon ng Manila Police District.

Pero nilinaw ni Apolinario na ang tila mas aktibong kampanya kontra sa droga sa ngayon ay dahil sa hindi lang napapansin dati ang mga isinasagawang anti-drug operations sa mga lalawigan.

Hindi naman aniya nagbago ang sigasig ng PNP sa pagtugis sa mga drug personalitiy at tuloy tuloy pa rin ang kampanya.

Aniya, na-highlight lang ang tila malaking bilang ng mga nasawi dahil sa dami ng sabay-sabay na operasyong inilunsad sa mga nakalipas na araw.

Siniguro naman ni Apolinario na ang mga operasyong ito ay legitimo at naayon sa police operational procedure kung saan ipinagtanggol lang ng mga pulis ang kanilang sarili matapos manlaban ang mga suspek.

Ayon naman kay P/Supt. Edwin Margarejo, spokesperson ng Manila Police District, ang 26 fatalities sa kanilang one time, big time operation, ay mula alas-7:00 ng umaga kahapon, August 16, hanggang ngayong araw, August 17.

Gayunman, ang detalye ay ginagawa pa raw ng homicide division dahil sa marami ang napatay at limitado ang kanilang mga imbestigador.