-- Advertisements --

Itinakda na ng Makati court ang arraignment at pre-trial para kay Gwyneth Anne Chua o “Poblacion Girl” sa darating na Setyembre 5, 2022.

Ito ay matapos na masampahan ng patung-patong na kaso si Chua dahil sa umano’y paglabag nito sa mandatory quarantine protocol noong Disyembre noong nakaraang taon.

Ayon sa isang source, noong Hulyo 22 sana ihaharap sa korte si Chua ngunit naghain ng motion to quash information ang kaniyang abogado nang dahil sa kawalan anila ng hurisdiskyon ukol dito.

Binanggit din ng kaniyang abogado ang isang bagong government resolution na nagsasabing hindi na kinakailangang pang sumailalim sa mandatory hotel quarantine ang mga returning overseas Filipinos.

Samantala, bukod kay “Poblacion Girl” ay nakatakda rin na humarap sa korte ang security guard ng Berjaya Hotel na si Esteban Gatbonton na sinasabing tumulong umano kay Chua na tumakas mula sa kaniyang quarantine facility matapos itong dumating sa banda galing Estados Unidos upang dumalo sa isang party sa Poblacion, Makati at kalauna’y nagpositibo sa COVID-19 at nakahawa rin sa iba pa niyang mga nakasalamuha.

Matatandaan na noong Abril ay kinasuhan ng Makati City prosecutor’s office si Chua at Gatbonton dahil sa naging paglabag nito sa Republic Act 1132 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.