Tukoy na ng militar kung anong klaseng improvised explosive device (IED) ang ginamit ng Caucasian suicide bomber sa Indanan, Sulu, kahapon.
Sa exclusibong panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Western Mindanao Command (WesMinCom) commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na pipe bomb ang ginamit sa pagpapasabog sa harap ng detachment ng 35th Infantry Battalion.
Sinabi ng heneral, ang sumabog na IED ay signature ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Grupo ni ASG leader Hatib Hajan Sawadjaan ang nasa likod ng panibagong suicide bombing attack sa bayan ng Indanan.
Samantala, natukoy na rin ng militar na totoong babae ang suicide bomber batay sa ginawang pagsusuri sa mga nakuhang pira-pirasong katawan nito gaya ng pugot na ulo, kamay at suot na tsinelas.
Sa ngayon, ipinauubaya na ng militar sa Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives ang pagsagawa ng DNA testing para matukoy kung anong nationality ng suicide bomber.
Inaalam na rin nila kung ito ba ‘yung babaeng Egyptian na sinasabing nakapasok sa bansa na isa sa mga suicide bombers.
“Nasuri na namin ng mabuti Anne, ‘yung dismembered part of the body ‘yung ulo, kamay at paa babae talaga at ‘yung tsinelas niya pambabae talaga, tapos Caucasian looking. Hindi ko lang alam kung ma trace sa DNA testing kung anong nationality, tapos parang pipe bomb ang ginamit na naka pulupot sa kaniyang katawan,” ani Sobejana sa panayam ng Bombo Radyo.
Una nang sinabi ni Sobejana may pitong banyagang terorista ang kanilang namonitor sa Mindanao.
Sa kabilang dako, mariing kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang panibagong suicide bombing attack sa kampo ng militar sa Sulu.
Ayon kay Joint Task Force Sulu Commanader Major General Corleto Vinluan Jr., posibleng magresulta sa maraming bilang ng casualties kung hindi napigilan ang suicide bombing.
Dahil aniya sa kooperasyon ng mga sibilyan at pagiging alerto ng mga sundalo ng 35th Infanty Batallion ay napigilan ang suicide bomber na nagpanggap na buntis at may dalang pampasabog.
Naniniwala si Vinluan na ang humihinang puwersa ng ASG ang dahilan kaya desperado na sila na makapaghasik ng karahasan sa lugar.
Nanawagan naman ang AFP sa mga residente ng Indanan na mag-ingat at manatiling mapagmatyag at kung may kahina-hinalang indibidwal ay ipagbigay alam agad sa militar o pulisya.
Tanging ang suicide bomber ang nasawi sa nangyaring pagsabog kahapon.