Itinampok ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga nagawa nito sa loob ng unang 100 araw sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro, AFP Chief of Staff, na ang militar ay gumawa ng mga “key advances” sa iba’t ibang lugar kabilang ang internal peace and security, external defense, modernisasyon at pagpapaunlad ng kakayahan, at internasyonal na bilateral at multilateral na pakikipag-ugnayan.
Sinabi ni Bacarro na kabilang sa resulta ng kanilang internal security and stability campaign ay ang pagbuwag sa limang larangang gerilya (GF) ng Communist Party of the Philippines — New People’s Army (CPP-NPA), neutralisasyon ng 310 rebeldeng komunista, at pagbawi ng 300 baril mula sa mga komunistang grupo.
Na-neutralize din ng AFP ang 58 lokal na terorista at nakakuha ng 54 na baril mula sa mga teroristang grupo.
Lumahok din ang AFP sa matagumpay na panunumpa ng mga bagong miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), na nagsisilbing interim regional government ng bagong tatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kasama sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang mga kinatawan mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), dalawang dating magkaaway na grupo na lumagda ng mga kasunduang pangkapayapaan sa gobyerno.
Kaugnay nito, sinabi ni Bacarro na tinulungan ng AFP ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPARU) sa isinasagawang decommissioning ng mga tauhan ng MILF at kanilang mga baril.
Hindi bababa sa 19,345 MILF combatants at 2,450 baril ang na-decommission na bilang bahagi ng normalization process sa mga peace-inclined group.
Binigyang-diin din ni Bacarro ang kahalagahan ng pagbuo at pagpapanatili ng ugnayan sa internasyonal na komunidad.
Aniya, lumahok ang AFP sa 25 bilateral engagements at tatlong multilateral activities kasama ang United States, Japan, Singapore, Australia, China, Indonesia, India, Canada, South Korea, at Finland sa nakalipas na tatlong buwan.