-- Advertisements --

Mahigpit ang safeguard measures na nakalatag sa ilalim ng Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy of the Philippines (ARISE Philippines) Bill upang sa gayon ay matiyak na mapunta sa mga karapatdapat na benepisyaryo ang mga subsidiyang nakapaloob dito, ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Quimbo, co-chair ng economic stimulus cluster ng House Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee, na tanging mga “critically impacted industries or firms” lamang ang kwalipikado sa mga probisyon na nakasaad sa ARISE Bill.

“Sila ay iyong mga natamaan ng matindi ng COVID-19 at dahil dito hindi na sila makakapagbayad ng kanilang financial obligations moving forward,” ani Quimbo.

Para matiyak ang transparency, sinabi ni Quimbo na magkakaroon ng registry o listahan ng mga negosyong matutulungan ng ARISE bill sa oras na maisabatas ito.

Magiging accessible aniya sa publiko ang listahan na ito para magkaroon ng accountability.

Kapag maging ganap nang batas, P708-billion ang pondong gagamitin para sa implementasyon ng ARISE Bill sa kasalukuyang taon.

Ang naturang halaga ay nakalaan bilang tulong sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) o maliliit na negosyo, na tinatayang lagpas 5 million ang kasalukuyang bilang.

“Ang ARISE Bill ay nagbibigay ng suibsidies sa mga maliliit na negosyo na magpatuloy ng kanilang operations,” ani Quimbo.

Gagamitin ang halagang ito para sa wage subsidies, interest-free loans at credit mediation sa pamamagitan ng credit guarantees sa mga MSMEs.

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang ARISE Bill noon pang Hunyo.