LA UNION – Itinanggi ng Aringay Municipal Police Station sa lalawigan ng La Union na may kinalaman ang mga ito sa umano’y pagpatay sa construction worker kung saan natagpuan ang bangkay nito sa Barangay San Pascual, Tuba, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay PCPT. Andress Dacquial IV, OIC ng Aringay Police Station, sinabi nito na walang katotohanan ang mga kumakalat na balita na sinaktan ng mga pulis ang biktima na si Carmarx Papa.
Iginiit ni Dacquial na hindi nila maaaring arestuhin at ikulong si Papa dahil wala naman itong kinakaharap na pormal na reklamo o warrant of arrest maliban lamang sa regular filing na ihahain sana sa hukuman.
Wala rin katotohanan ayon sa opisyal na tumakas si Papa, dahil hindi naman nila hinuli ito.
Nakahanda rin umano silang humarap sa imbestigasyon upang sagutin ang mga alegasyon na may kinalaman umano ang mga ito sa pagtay sa biktima.
Una rito, tahasang sinabi ng mga kaanak ni Papa na may kilalaman umano ang ilang pulis sa Aringay sa nasabing krimen dahil huli itong nakitang buhay at dinala sa nabanggit na himpilan ng pulisya bago natagpuan ang bangkay nito sa bayan ng Tuba, Benguet.