Lusot na sa House Committee on Appropriations and appropriations provision ng panukalang batas na naglalayong patawan ng excise tax ang paggamit ng single-use plastic bags.
Sa pagdinig ng komite nitong umaga, nilinaw ng may-akda ng House Bill No. 0178 na si Nueva Ecija Rep. Estrelita Suansing na layon ng panukalang ito na ma-control ang paggamit ng single-use plastic bags sa bansa sa pamamagitan nang pagpataw ng excise tax.
Nauna nang inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang tax provisions ng panukalang ito, na naglalayong patawan ng P20 excise tax ang kada kilo ng single-use plastic bags.
Sa ilalim ng panukala, ang kikitain mula sa buwis na ito ay gagamitin para sa implementasyon ng Republic Act No. 9003, o mas kilala bilang “Ecological Solid Waste Management Act of 2002.”
Sa explanatory note ng House Bill 0178, sinabi ni Suansing na mahalagang masolusyunan ang problema sa pagdami ng plastic bag waste sa bansa.
Sa pamamagitan nang pagpataw ng buwis, naniniwala siya na mahikayat ang paggamit ng environment-friendly alternatives sa mga single-use plastic bags.
Layon din ng panukalang ito na makalikom ng pondo para gamitin sa mga programa at proyekto sa paglaban sa mapinsalang epekto ng plastic pollution sa Pilipinas.