Pinag-aaralan ng Land Transportation Office ang pagpapatupad ng appointment system sa lahat ng mga transaksyon nito.
Ito ay bilang tugon na rin umano ng ahensiya sa kautusan ni Transportation Secretary jaime Bautista na pagbutihin ang serbisyo ng mga attached agencies ng nasabing Kagawaran.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, kasalukuyan na itong ginagawa sa LTO Central office at kasalukuyan nang painag-aaralan kung paano ito ipatutupad sa iba’t-ibang opisina ng kagawaran sa buong bansa.
Kasabay nito, nangako si Mendoza II na pag-aaralan nila kung papaano gawing mas simple ang mga prosesong kailangang sundin ng kanilang mga kliyente.
Kampante rin ang opisyal na masusulusyunan ng nasabing programa ang matagal nang problema ng Land Transportation Office na presensya ng mga fixers sa loob ng mga Opisina nito.
Kung maipapatupad ang appointment system at tuluyang maisasagawa ang mga online transaction sa lahat ng opisina nito, naniniwala ang LTO na wala nang pagkakataon ang mga fixers na mambiktima ng mga kliyente dahil gagamit na lamang ang mga ito ng internet upang masundan ang progreso ng kanilang transaction.