Kaisa umano ang lokal na pamahalaan, malugod na tinatanggap ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagkakatalaga kay Brig. Gen. Redrico Maranan bilang Acting Director ng Quezon City Police District.
Matatandaang dating nagsilbi si Maranan bilang PNP Public Information chief.
Ayon kay Belmonte, inaasahan nilang itutuloy ang magagandang nasimulan ni General Nick Torre, gaya ng tatlong minutong tugon sa bawat natatanggap na tawag ng saklolo sa Helpline 122 ng lokal na pamahalaan.
Kasabay nito, inaasam ng opisyal na maisasagawa sa lahat ng oras ng bagong pamunuan ng QCPD ang paggalang sa karapatang-pantao, hustisya at pantay na pagtingin sa lahat ng mamamayan, anuman ang kanilang kasarian, relihiyon o katayuan sa buhay.
Sinasabing malawak ang karanasan ni General Maranan sa Philippine National Police, kung saan mahigit isang-daan na rin ang kanyang natanggap na parangal mula nang siya ay maging pulis.
Maliban sa PNP-PIO, marami na siyang hinawakang pwesto gaya ng: intelligence officer ng Cavite Police Provincial Office at provincial director ng Pangasinan.
Una rito, umalis sa puwesto si Gen. Torre, matapos akusahang binigyan ng VIP treatment ang isang suspek sa road rage na si dating PO1 Wilfredo Gonzales, bagay na itinatanggi naman ng opisyal.
-- Advertisements --