Natanggap at nabasa na rin ng opisina ni senadora Nancy Binay, ang chairman ng Senate Committee on Ethics and privileges ang ipinadalang letter ng paghingi ng paumanhin ni senador Robinhood Padilla kaugnay sa nag-viral na post ng kanyang asawa na si Mariel Padilla na nagpa- “IV drip” sa loob ng tanggapan ng Senado.
Ayon kay Binay, batid niya ang pagsusumamo ni Padilla at nauunawaan niya ang mga alalahanin ng kapwa senador patungkol sa mga nangyari nitong nakalipas na araw.
Nagpaalala si Binay kay Padilla na tungkulin nilang pangalagaan ang integridad ng mataas na kapulungan.
Maging aral aniya sa lahat ng mga senador ang nangyaring insidente at manatiling higit sa kapintasan bilang sila ay mga kinatawan at halal ng taumbayan.
Dagdag pa ni Binay, tinatanggap niya ang paumanhin ni Padilla subalit kung mayroon mang maghain ng reklamo sa Ethics Committee tungkol sa isyung ito ay mapipilitan siyang imbestigahan ito.