-- Advertisements --
image 483

Opisyal ng binuksan ng Commission on Higher Education (CHED) ang aplikasyon para sa Merit Scholarship Program (CMSP) ng ahensiya para sa mga papasok na first-year college students para sa Academic Year (AY) 2023-2024.

Prayoridad ng programa ang mga mag-aaral na kabilang sa mga espesyal na grupo tulad ng mga kapus-palad at mga walang tirahan na mamamayan, mga taong may kapansanan at mga solo parent at/o kanilang mga dependent.

Bukas ang scholarship na ito para sa mga incoming freshmen na gustong ituloy ang kanilang undergraduate na kurso sa alinmang kinikilalang priority programs ng CHED sa private higher education institutions (HEIs) o State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs).

Ayon pa sa CHED, saklaw sa tulong pinansyal ang matrikula o ang tuition and other school fees (TOSF); stipend na direktang ibibigay sa mga iskolar o sa pamamagitan ng HEI at book connectivity allowance bawat semester ng isang academic year hanggang sa mqkumpleto ang degree program.

Upang maging karapat-dapat para sa nasabing programa, ang aplikante ay dapat na isang mamamayang Pilipino at isang graduating high school student/high school graduate na may general weighted average (GWA) na hindi bababa sa 90%.

Ang mga aplikanteng mag-aaral ay kinakailangang magsumite ng mga certification at/o mga Identification Card (ID) na inisyu ng mga angkop na opisina o ahensya.

Para mag-apply, ayon sa CHED na ang mga interesadong aplikante ay maaaring magpadala ng kanilang mga dokumento online sa kani-kanilang CHED Regional Offices.

Sa opisyal na website nito, sinabi ng CHED na mayroong 13,455 slots para sa Merit Scholarship Program.

Ang deadline para sa pagsusumite ay sa Mayo 31, 2023.

Ang CHED Merit Scholarship Program (CMSP) ay pinondohan ng gobyerno na naglalayong suportahan ang mga mag-aaral na may talento sa akademya.