Nasa 391 indibidwal o 87 families ang apektado mula sa dalawang rehiyon sa Luzon partikular ang Region 2 at Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sa hagupit ng Bagyong Falcon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mark Timbal, nasa 86 individuals ang nasa loob at labas ng evacuation centers na binibigyan ng ayuda ng pamahalaang lokal.
Nasa P300,000 halaga naman ng mga family foodpacks ang naka-standby sa warehouse ng Department of Social Welfare and Development para sakaling kailanganin ito ng mga local government units na apektado ng bagyo ay agad na ipapadala ito.
Nilinaw naman ni Timbal na dalawa ang kanilang minomonitor na sama ng panahon- ang habagat sa Mindanao at ang Bagyong Falcon sa Luzon.
Sa Cagayan kung saan nag-landfall o tumama ang bagyo, napuruhan ang mga bayan ng Allacapan, Aparri, Baggao, Camalaniugan, Gonzaga, Lal-lo, Lasam, Santa Teresita at Solano.
Habang sa CAR naman ay pinaka-apektado ang Lagayan sa Abra at Sabangan sa Mountain Province.
Samantala, iniulat ng NDRRMC na 10 insidente na ng paguho ng lupa ang naranasan sa mga lugar ng Region 1, Region 2, CAR, MIMAROPA (Mindoro-Marindque-Romblon-Palawan) Region 5 at Region 6.
Habang siyam na kalsada at tatlong tulay ang nananatiling hindi madaanan sa Region 2 at CAR.
Ongoing na rin sa ngayon ang assessment ng NDRRMC kaugnay sa pinsalang naitala sa Bagyong Falcon.