CAUAYAN CITY- Apat na mga bahay na gawa sa light materials ang tinupok ng apoy sa barangay Bugallion, Ramon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Punong Barangay Arturo Mendoza ng Bugallion, Ramon, Isabela na may mga bata na nagsunog ng mga papel at karton sa likuran ng bahay.
Lumaki anya ang apoy kaya nagtakbuhan ang mga bata hanggang inabot ng apoy at nasunog ang apat na bahay na gawa sa light materials tulad ng mga kahoy, buho at kawayan.
Walong pamilya ang nakatira sa apat na bahay na nasunog.
Walang nailabas na mga kagamitan sa loob ng mga bahay dahil nasa bukid ang may-ari ng mga bahay nang maganap ang sunog.
Huli na anya nang itawag sa BFP Ramon ang sunog kayat tuluyang natupok ng apoy ang apat na bahay.
Sa ngayon ay humihingi ng tulong tulad ng mga damit, kumot at gamit sa kusina maging ng mga pagkain ang pamilya ng mga nasunugan,
Nagbigay na rin ng paunang tulong ang barangay tulad ng food pack na kinabibilangan ng mga bigas, noodles at sardinas.
Gumagawa na rin ng paraan ang pamunuan ng barangay upang matulungan ang mga biktima ng sunog.
Nagpaalala pa ang Punong Barangay sa mga mamamayan na mag-ingat lalo na sa pag-iimbak sa mga bagay na madaling masunog.