-- Advertisements --

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang makakatanggap ng anti-flu drug mula Japan, bilang isang experimental na gamot kontra virus ng COVID-19.

Kinumpirma ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang pahayag kamakailan ni Japanese foreign minister Toshimitsu Motegi na kasali ang bansa sa 38 estadong padadalhan ng gamot na favipiravir o mas kilala sa brand name na Avigan.

“Iniintay pa natin ang official na pahayag mula sa pamahalaan ng Japan kung kabilang ang Philippines sa first batch ng mga bansa na makakatanggap ng gamot na ‘to.”

“Ang clinical trial para sa gamot na ito ay inilunsad ng Japan at isa itong collaboration ng iba’t-ibang bansa upang makakalap ng datos sa Avigan kagaya na lang ng Solidarity trial.”

Sa ngayon pinag-aaralan pa raw ng Philippine General Hospital at DOH ang protocol sa gagawing clinical trial ng naturang gamot.

Pinangalanan na rin ng opisyal ang brand ng mga gamot na gagamitin sa sinalihang Solidarity trial ng bansa sa World Health Organization.

Mahigpit naman na paalala ng DOH na tulad ng Avigan drug, ang mga gamot na gagamitin sa malawakang clinical trial ay posibleng magdulot ng side effect sa paggagamitan pasyente.

“Ang mga gamot na susubukan sa Solidarity trial na kinabibilangan ng ating bansa ay ang mga sumusunod: Remdesivir, chloroquine o hydroxycholorquine; ang mga gamot laban sa HIV na lopinavir, kasama ang retonivir, at interferon beta-1A.”

Ayon sa DOH, 20 ospital sa bansa ang sumali sa Solidarity trial kung saan 500 pasyente ang nakatakdang sumailalim sa naturang clinical trial.