Mas paiigtingin pa ng Land Transportation Office ang kanilang Anti-colorum drive partikular na sa inter-island travels ng mga hindi awtorisadong mga sasakyan.
Ito ang binigyang-diin ni LTO Chief Asec. Atty. Vigor Mendoza II kasunod ng dinaluhan nitong Bagong Pilipinas Town Hall Meeting na pinangunahan naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa San Juan City.
Ayon sa opisyal, plano ng LTO na mag-double time sa pagsasagawa nito ng kanilang mga pagsusumikap na mas palawakin pa ang kanilang operasyon sa pamamagitan na rin ng tuluy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at Special Action and Intelligence Committee for Transportation.
Bukod dito ay mas paiigtingin din aniya ng kanilang kagawaran ang koordinasyon sa mga port authorities upang tiyakin na walang mga colorum vehicles ang makakalusot sa inter-island travel gamit ang roll-on, roll-off vessels.
Kaugnay nito ay maghihigpit din ang LTO sa pagbabantay sa mga terminal at expressways, gayundin sa pag-kontrol sa key junctions sa mga key cities.
Samantala, magsasagawa rin aniya ng coordination meetings ang LTO kasama ang PNP at PCG para naman sa paghahanda sa “criminal charges” laban sa mga colorum na sasakyan at kanilang mga operators.
Kasabay nito ay nagbabala naman ang opisyal na pagmumulta in ng hanngang Php2 million at mahaharap sa pagkakakulong ng hanggang anim na taon ang sinumang mahuhuli at mapapatunayang nag o-operate ng mga colorum na sasakyan.