Pinaiimbestigahan ni Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo Ordanes ang napaulat na umano’y katiwalian ng ilang organisasyon sa “Tulong Panghanapbuhay sa mga Disadvantaged/Displaced Workers” o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa inihaing House Resolution No. 506 ni Rep. Ordanes kaniyang hinimok ang angkop na Komite na imbestigahan ang natanggap nilang reklamo mula sa ilang mga senior citizen.
Batay sa reklamo na nakarating sa mambabatas na ilang senior citizen organizations na humihingi umano ng “membership fee” para makasama sa TUPAD Program.
Sa sandaling naging miyembro na ang senior citizens bilang beneficiary ng programa, inoobliga na sila na magbigay umano ng kalahati ng halagang natanggap mula ng mga ito sa TUPAD.
Mas matindi pa dito ay binabantaan ang mga seniors na tatanggalin sa programa kapag hindi sumunod sa utos ng organisasyon.
Dahil dito, nababahala si Rep. Ordanes sa modus na ito na malinaw na taliwas sa mandato ng TUPAD Program.
Binigyang-diin ng mambabatas dapat mahinto at papanagutin ang mga nasa likod na anomalya at katiwalian.










