-- Advertisements --

Inamin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na hindi na nalalayo sa pagiging bagong epicenter ng COVID-19 infection sa bansa ang Cebu City.

Sa isang panayam sinabi ni Año na bunsod ito ng mas mataas nang bilang ng mga bagong kaso ng sakit na naitatala sa lungsod, kumpara sa National Capital Region na binubuo ng 17 lokalidad.

Itinuro rin ng kalihim na dahilan ang rate o porsyento ng infection ng COVID-19 sa siyudad.

Batay sa data na inilabas ng DOH noong Biyernes, June 26, NCR pa rin ang may pinakamaraming bilang ng active cases o COVID-19 patients na nagpapagaling sa 9,921 na bilang. Ang Region 7 naman, kung nasaan ang Cebu City, ang pumapangalawa sa 5,902.

Pareho rin ang ranggo sa datos ng may pinakamataas na mga bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo. Sa NCR ay may 16,727; habang sa Central Visayas ay may 6,525.

DOH JUNE 26 data
IMAGE | Screen grab from DOH presscon, June 26

Sa kabila nito, mas mataas ang positivity rate o porsyento ng mga nagpo-positibo mula sa populasyong sumailalim sa test, ng Cebu province mula June 16, sa 32.8-percent para sa 644 test na ginagawa kada araw.

Ang positivity rate kasi ng NCR mula sa nasabing petsa ay nasa 6.8-percent para sa higit 15,000 tests na ginagawa kada araw.