-- Advertisements --
PHILHEALTH

Anim sa walong external system ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na naapektuhan ng pag-atake ng Medusa Ransomware ay naibalik na ang operasyon.

Sinabi ni Dr. Israel Francis Pargas na kabilang dito ang website, member portal, e-claim, electronic premium remittance system, at ang electronic PhilHealth acknowledgement receipt.

Aniya, umaasa ang kanilang ahensya na ngayong araw ay maibabalik na sa normal ang lahat ng walong external systems.

Para naman sa internal systems, sinusuri na ng Philhealth ang lahat ng kanilang computer system upang matiyak na ang lahat ay wala ng virus.

Inamin ng PhilHealth na hindi nito binabalewala ang posibilidad na magkaroon ng access ang mga hacker sa data at record ng kanilang membership.

Mula sa nai-post online ng mga hacker, sinabi ni Pargas na karamihan sa mga dokumentong ito ay nagmula sa mga work station ng mga empleyado ng PhilHealth, na ang ilan ay may access sa database ng mga miyembro.

Sinabi ng PhilHealth na ang mga nag-leak na internal documents ay hindi makakaapekto sa pangkalahatang operasyon ng ahensya, ngunit maaaring magdulot ng kontrobersya lalo na ang tungkol sa mga record ng mga kaso laban sa mga ospital at partikular na mga medical practitioners.