-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anggulong isang pulis ang nasa likod ng scammer na nagbigay ng maling impormasyon sa kinaroroonan ni Senador Ronald dela Rosa.

Ito ang naging tugon ni NBI Director Melvin Matibag matapos sabihin ng indibidwal na isang police officer umano ang utak ng naturang modus.

Ayon sa NBI Director, nakakapagtaka aniyang mayroong access ito sa database ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.

Matatandaan, noong Biyernes, nauna nang iniharap ng NBI sa mga kawani ng media ang isang lalaki na naaresto matapos subukang i-scam si Matibag sa pamamagitan ng pagsasabing mayroon siyang impormasyon kaugnay sa kinaroroonan ni dela Rosa kapalit ng pera. Ayon kay Matibag, nangikil ang suspek ng nasa P10,000 hanggang P500,000 halaga ng pera mula sa kaniyang mga biktima gamit ang messaging apps.

Subalit, iginiit naman ng suspek na siya ay ginamit lamang umano ng isang police officer para isagawa ang pangingikil.

Maliban pa sa extortion, gumamit din umano ang suspek ng mga pangalan ng ilang mga opisyal ng gobyerno kabilang na ang pangalan ng mga kongresista, senador, NBI director at maging sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos.

Sa ngayon, iniimbestigahan na ng NBI kung paano nakuha ng suspek ang contact numbers ng mga opisyal ng gobyerno para isagawa ang naturang modus operandi.