-- Advertisements --
Ange Kouame

Ibabandera ni Ange Kouame ang koponan ng UB Chartres Metropole sa French league matapos tulungan ang Gilas Pilipinas na maging hari uli ng Asian basketball.

Kinumpirma ito ng koponan na noong Setyembre pa nila napapirma ng kontrata ang 6-foot-11 na si Kouame bago opisyal na inanunsyo kasunod ng kanyang pamamayani sa Hangzhou, China.

Solido ang performance ni Kouame sa finals kontra sa Jordan nang kumamada siya ng 14 puntos, 11 rebounds, 5 steals at 2 blocks dagdag pa ang pambihirang depensa kontra sa ace big man ng Jordan na si Ahmad Al Dwairi.

Si Kouame ang pinakabagong Gilas big man na susubok sa overseas matapos tumungo sa Japan sina Kai Sotto at AJ Edu.

Tatlong kampeonato ang nakamit ni Kouame sa Ateneo Blue Eagles at naging Finals MVP pa noong Season 85 at Season MVP noong Season 84. Kampeon din siya sa Filoil, PCCL at PBA D-League.