-- Advertisements --

Hindi inaalis ng state hydrologist ang posibilidad na sumadsad sa critical level ang tubig sa Angat Dam sa mga susunod na buwan lalo pa’t idineklara na ng state weather bureau ang pagsisimula ng summer season. 

Paliwanag ni Rosalie Pagulayan ng state weather bureau, mas mataas daw ang paggamit ng mga tao sa tubig dulot ng mainit na panahon. Isa pa sa mga itinuturong dahilan ay ang pagtaas ng rate of evaporation dahil sa init. 

Base sa hydrological forecast, maaaring sumadsad sa 182.73 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam bago matapos ang buwan ng Mayo.

Ito ay mababa sa 212 meters na normal water level ng naturang dam. 

Binigyang-diin naman ni Pagulayan na mayroon ng mga ginagawang hakbang para masigurong may magagamit na tubig ang publiko.