CEBU CITY – Hindi na kinilala ng isang lalaki ang kanyang mga magulang matapos nitong pinaghahampas ng “dos por dos” na kahoy ang dalawa at sinunog pa ang kanilang bahay sa Barangay Banlot, bayan ng Sibonga, probinsiya ng Cebu.

Kinilala ang suspek na si James Malinao, 30 taong gulang habang ang mga magulang nito ay kinilalang sina Reynaldo at Avelina Malinao.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Senior Master Sergeant Reynaldo Celebrado ng Sibonga PNP, sinabi nitong galing sa Carbon Public Market sa lungsod ng Cebu ang suspek at nang nakauwi ay bigla na lang umano nitong hinamon ng away ang kanilang mga kapitbahay bitbit nito ang isang bolo at kahoy.

Aniya, inawat ito ng kanyang mga magulang ngunit sa halip na makinig ay pinaghahampas nito ang dalawa ng kanyang bitbit na kahoy at pagkatapos naman nito ay sinunog naman ng suspek ang kanilang bahay.

Agad na tumakbo palayo ang sugatang mga biktima.

-- Advertisement --

Ngunit dahil na rin sa tulong ng mga kapitbahay ay agad naaresto ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong arson at physical injury.

Pinaniniwalaan ng pulisya na ang suspek ay sabog sa iligal na droga.